Dumating na dito sa Palasyo ng Malakanyang si Japan Prime Minister Ishiba Shigeru para sa kaniyang dalawang araw na official visit.
Sinalubong ni Pang. Ferdinand Marcos Jr at First Lady Liza Marcos si Ishiba at ang kaniyang misis na si Yoshiko Ishiba na dumating pasado alas-4:30 ng hapon.
Binigyan din ng arrival honors si Ishiba kung saan ginanap ito sa Kalayaan Hall dahil sa hindi magandang panahon.
Isa isa din pinakilala ni Pangulong Marcos kay Prime Minister Ishiba ang kaniyang cabinet secretaries na kinabibilangan nina ES Lucas Bersamin, Finance Secretary Ralph Recto, PCO Secretary Jay Ruiz, DOT Sec Maria Christina Frasco, DENR Sec Maria Theresa Yulo Loyzaga, NSC Sec Eduardo Año, DPWH Sec. Manuel Bonoan, DFA Sec. Enrique Manalo, Dotr sec Vince Dizon at NEDA Sec. Arsenio Balisacan.
Ito ang unang official visit ni Ishiba sa Pilipinas matapos maluklok sa pwesto nuong October 2024.
Magkakaroon ng bilateral meeting ang dalawang lider kung saan asahan na tatalakayin ng dalawang lider ang pagpapalakas sa kalakalan ng dalawang bansa at ang usaping pang depensa.