-- Advertisements --

Ipinagmalaki ng Pangulong Rodrigo Duterte ang makabuluhang pagbisita sa Japan at pagdalo sa 25th Nikkei International Conference on the Future of Asia.

Nakabalik sa bansa ang deligasyon ng chief executive kaninang pasado ala-1:00 ng madaling araw.

Sa pakikipag-usap ni Japanese Prime Minister Abe Shinzo, nangako ito na mas palalawakin pa ang kooperasyon sa Pilipinas sa aspeto ng infrastructure development, kalakalan, agrikultura, seguridad at iba pa.

Pinuri rin umano ni Abe ang “Build, Build, Build” program ng bansa na malaking tulong sa pagpapalakas ng ekonomiya.

Ikinagalak din ng Pangulong Duterte ang panibagong 25 billion yen na commitment ng Japan para sa Mindanao road network, vocational training facilities at water supply development para sa Bangsamoro region, bukod pa sa livelihood program at iba pang proyekto.

Bukod dito, nasa $5 billion o P288.804 billion na business deals ang aasahan mula sa mga Japanese investors.

Dito ay 82,737 na trabaho ang maipagkakaloob para sa ating mga kababayan.