-- Advertisements --

Pormal na umanong ipinaabot ng Malacanang sa pamahalaan ng Japan ang pagkansela ng biyahe ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang nasabing balita ay lumutang sa news agency sa Japan na Nikkei.

Una nang naka-schedule ang pagtungo ng chief executive sa Tokyo, Japan sa June 5 hanggang June 6.

Nakatakda sanang magtalumpati ang presidente sa 23rd International Conference on the Future of Asia.

Noong nakaraang taon lamang ang pangulo ay bumisita rin sa Japan.

Ito kasi ang may pinakamalaking Official Development Assistance (ODA) sa Pilipinas.

Nitong araw lamang inamin din ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na mas nanaisin ng Pangulong Duterte na manatili na lamang kaysa sa magbiyahe sa ibang bansa.

Aniya, marami kasing mga problema na kinakaharap ang pangulo ng bansa kaya mas mabuting pag-ukulan ito ng atensiyon.

Gayunman agad na nilinaw ni Usec. Abella, wala pa umanong siyang opisyal na abiso hinggil sa isyu ng kanselasyon ng Japan trip ng commander-in-chief.

Para naman kay DFA Spokesperson Robespierre Bolivar, patuloy pa nilang kinukuha ang kumpirmasyon hinggil dito.

Kung maalala nito lamang nakalipas na linggo agad ding pinaiksi ng Pangulong Duterte ang kanyang biyahe sa Russia kasunod ng pagsasailalim niya sa rehiyon ng Mindanao sa Martial Law bunsod nang pag-atake ng local terror group na Maute sa Marawi City noong May 23.