Sang-ayon umano si Japanese Defense Minister Taro Kono sa pahayag ng kanyang US counterpart na si Mark Esper na tinututulan ng kanilang mga bansa ang anumang pagtatangka na palitan ang status quo sa ilang pangunahing waterway sa South China Sea at East China Sea.
Kasunod na rin ito ng nangyayaring gusot sa pagitan ng Estados Unidos at China kaugnay sa samu’t saring usapin, mula teknolohiya at karapatang pantao hanggang sa isyu ng umano’y militarisasyon ng Beijing sa pinagtatalunang bahagi ng South China Sea.
Habang ang isyu naman ng China sa Japan ay ang pag-angkin ng Beijing sa grupo ng maliliit na isla sa East China Sea na kontrolado ng Tokyo.
“We agreed that the international community will respond firmly to any unilateral change to the status quo in the South China Sea as well as the East China Sea,” wika ni Kono.
Ayon pa kay Kono, kinumpirma ni Esper na saklaw sa the US-Japan security treaty ang mga islets sa East China Sea, na kilala rin bilang Senkaku islands sa Japan at Diaoyu islands sa China.
Samantala, sinabi rin ni Kono na pinag-iisipan niya raw ang pagtakbo sa party election upang pumili ng hahalili kay Prime Minister Shinzo Abe, na biglang nagbitiw sa puwesto dahil sa isyu sa kalusugan.
Kung maaalala, matagal nang tinututulan ng Washington ang malawakang pag-angkin ng Beijing sa mga teritoryo sa South China Sea at regular ding nagpapadala ng mga barkong pandigma sa nasabing bahagi ng karagatan. (Reuters)