Nahaharap sa posibleng sexual harassment charges ang isang Japanese fan matapos halikan nang walang consent ang oldest member ng sikat na South Korean boy band na BTS na si Kim Seok-jin sa isang fan event noong nakalipas na taon, ayon sa South Korean authorities ngayong Biyernes, Pebrero 28.
Ayon sa SoKor police sa Songpa station sa Seoul, pina-summon ang naturang Japanese national para sa questioning kasunod ng natanggap nilang online complaint.
Hindi naman na ibinunyag ng police station ang pagkakakilanlan ng naturang Japanese national dahil sa privacy concerns bagamat base sa media reports, nakumprima na ng kapulisan ang identity ng babae sa tulong ng Japanese police kung saan nasa edad 50 anyos ito na tumangging humarap sa questioning.
Sa kabila nito, naglunsad na ng imbestigasyon ang South Korean Police sa naturang reklamo at tumangging magbigay muna ng karagdagang detalye habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.
Ikinokonsidera naman ng mga imbestigador na ipatawag si Jin para magbigay ng kaniyang statement bilang biktima sa kaso.
Una rito, nangyari ang insidente kasabay ng idinaos na free hug event ng BTS member sa Seoul noong June 2024 bilang selebrasyon sa kaniyang pagkakakumpleto sa mandatory military service at ika-11 taong anibersaryo ng BTS.
Nakuhanan sa video footage ang naturang insidente na nag-viral online kung saan makikitang hindi komportable ang South Korean star matapos na biglaan siyang hinalikan sa pisngi ng sangkot na fan sa naturang event na dinaluhan ng tinatayang 1,000 Army fans.