Ipinag-utos na ng korte sa Parañaque ang pag-aresto sa Japanese billionaire at gaming tycoon na si Kazuo Okada.
Ito’y matapos baliktarin ng Justice Department ang naunang ruling ng Parañaque City Prosecutor’s Office kung saan dinismis nito ang reklamong estafa laban kay Okada.
Inakusahan ang bilyonaryong si Okada ng pagbulsa sa $3.1 million sa isang unauthorized compensation mula sa board ng Tiger Resort, Leisure and Entertainment, Inc. (TRLEI), ang operator ng Okada Manila.
Kung maaalala, pinatalsik sa puwesto si Okada noong June 2017 dahil sa maanomalyang paggamit ng pondo ng kompanya.
Pero naghabla rin ng kaso ang gaming tycoon noong Setyembre ng nakaraang taon laban sa TRLEI dahil ang pagpapatalsik daw sa kaniya ay iligal.
Bukod kay Okada, kasamang pinapadakip ng korte si Takahiro Usui, na at large din sa ngayon.
Halos kalahating milyong piso ang piyansa na inilaan ng korte para sa pansamantalang kalayaan ng mga akusado.
Si Judge Rolando G. How ng Paranaque Regional Trial Court Branch 257 ang naglabas ng warrant of arrest laban sa dalawang akusado.