LAOAG CITY – Magbibigay ang Japanese Government ng dalawang rescue boat dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Ayon kay Japanese Ambassador to the Philippines Endo Kazuya, hangad nilang tulungan ang iba’t ibang mga lalawigan sa bansa kabilang ang Ilocos Norte tungkol sa pagsagip sa kalamidad.
Ipinaliwanag niya na dapat ay bumisita siya sa lalawigan noong nakaraang taon ngunit dahil sa hagupit ng bagyo ay hindi siya tumuloy.
Sinabi niya na napansin din niya na kung may mga sakuna sa lalawigan lalo na ang bagyo, nagkakaroon ito ng malakas na epekto.
Pormal naman na tinanggap ni Gov. Matthew Marcos Manotoc ang $60,711 o katumbas ng P3,500,000 upang pondohan ang proyekto na pinamagatang “The Project for the Provision of Rescue Boats for Disaster Relief in Laoag City and Its Vicinity, Ilocos Norte.”
Kaugnay nito, noong nakaraang taong 2024 ay sunud-sunod ang mga tumamang bagyo dito sa lalawigan kung saan ilan dito ay naging Super Typhoon pa.
Una rito, pumirma sina Gov. Manotoc at Japanese Ambassador to the Philippines Kazuya ng Memorandum of Understanding tungkol sa tulong na ibinigay ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong para sa Grant Assistance for Grassroots Human Security Projects (GGP) upang pondohan ang paghahanda sa kalamidad at pagsagip sa lalawigan.