-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Pinalakas pa ng pamahalaan ng bansang Japan ang kanilang pagtulong sa Pilipinas upang iwasan ang malaking idudulot na perwisyo ng mga biglaang pagbaha dala ng mga hahagupit na mga bagyo sa bahagi ng Northern Mindanao Region.

Kasunod ito sa pormal na inagurasyon ng Cagayan de Oro River Basin Flood Forecasting and Warning Center na nakabase sa parking area ng DOST-PAGASA, Molugan, El Salvador City, Misamis Oriental.

Sa mensahe ni Department of Science and Technology o DOST Secretary Dr. Renato Solidum Jr, pinasalamantan nito ang gobyerno ng Japan at mismong Japan International Cooperation Agency (JICA) na kusang nagbigay ng pasilidad upang mabilis makaiwas ng mga pagbaha na dala ng mga bagyo ang mga residente sa limang probinsya ng rehiyon.

Partikular rito ang mga naninirahan sa Cagayan de Oro City na grabeng tinamaan ng Bagyong Sendong kung saan higit libo katao ang nasawi at daan-daan ang missing na ito ay humagupit noong madaling araw ng Disyembre 16,2011.

Sinabi ni Solidum na dahil sa nasabing kagamitan, mabilis nang maibigay ng disaster offices ang tama ng mga impormasyon patungo sa local government units na nasasakupan sa rehiyon kung mayroong papasok na pagtama ng bagyo at sa dala nito na mga pagbaha.

Magugunitang nasa mahigit P300 million na pondo ang ginamit sa state of the art facility para sa flood forecasting and warning center upang magamit sa tamang monitoring sa Cagayan de Oro River Basin na nagsilbing pang-16 na pinakamalaki sa buong bansa kung saan nasa apat na malalaking mga ilog ang mula sa Bukidnon ang dumaan rito bago tumungo sa Macajalar Bay ng rehiyon.

Saksi sa inagurasyon ang dalawang Japanese officials na sina His Excellency Endo Kazuya,Ambassador Extraordinary and Plenipotentiary of Japan, JICA Senior Representative of Philippines Office Morishima Takanori, ibang DOST-PAGASA officials, Misamis Oriental 2nd District Cong. Bambi Emano,local govt officials at ang donor ng lupa na tinayuan ng pasilidad.