-- Advertisements --

Nagmatigas ang Japanese government na tuloy pa rin ang Tokyo Olympics kahit lumalawak ang panawagan na ito ay kanselahin na sinasabayan nang paglala rin ng mga bagong kaso ng COVID-19.

Nasa 70 araw na lamang mula ngayon ay magbubukas na ang pinakamalaking sporting event sa buong mundo.

Japan Tokyo economy buildings

Kaugnay nito, dinagdagan ni Japanese Prime Minister Yoshihide Suga ang mga lugar na nasa COVID-19 state of emergency na umabot na sa siyam na mga areas sa kanilang bansa.

Liban sa Tokyo, idinagdag sa state of emergency ang Hokkaido, Hiroshima, at Okayama.

Aminado si Prime Minister Suga na lumalala ang infections sa mga lugar na mataas ang popolasyon kung saan nagpadagdag pa ang mga bagong COVID variant.

Dahil dito, ngayon daw ang panahon upang mapigil ang pagkalat pa ng virus.
Maging ang International Olympic Committee (IOC) ay naniniwalang dapat ituloy ang Olympics.

Una rito nagbabala ang chief executive officer ng isang Japanese top e-commerce company na isang “suicide mission” ang mangyayari kung itutuloy ang Tokyo Olympics.

Maging ang namumuno ng union of Japanese hospital doctors ay umaapela na rin na dapat na kanselahin ang Olympics.

Sa kabilang dako, mahigit na rin sa 350,000 ang nakakalap na pirma sa signature campaign na nananawagan para ipagpaliban muli ang Olimpiyada.

Kinakabahan kasi ang mga medical expert na kung bubuhos ang mga dayuhang atleta sa Tokyo, baka raw maging hotspot ito ng pagkalat pa lalo ng delikadong variants.