-- Advertisements --

Nilinaw ng Japanese government na walang pagbabago sa kanilang plano na ituloy ang Tokyo Olympics sa buwan ng Hulyo ngayong taon.

Ginawa ng pamahalaan ang pahayag kasunod na rin nang kumalat na ulat na muling ipagpapaliban ang pinakamalaking sporting event sa buong mundo at maaring isagawa na lamang ito sa taong 2023.

Sa isang statement ng Tokyo 2020 organizers sinabi nito na mismong si Japanese Prime Minister Yoshihide Suga ang nagpahayag nang kanilang determinasyon na isagawa ngayong taon ang Olimpiyada.

japanese PM Yoshihide Suga japan

Idineklara pa ng Prime Minister sa kanilang parliyamento kanina na ang pagsasagawa ng Tokyo Olympics ay magiging simbolo na kayang lagpasan ang krisis na dala ng COVID-19, gayundin upang ipakita sa buong mundo ang kanilang pagbangon mula sa tumamang matinding lindol at tsunami noong taong 2011.

“We are determined to work closely together with the Tokyo Metropolitan Government, the Tokyo 2020 Organizing Committee, and the IOC to realize a safe and secure Olympics,” Suga said.

Ayon pa sa Japan, puspusan silang nakikipagtulungan ngayon sa maraming ahensiya at sa International Olympic Committee upang maging “safe and secure” ang mga atleta sa kanilang paglahok sa mga games.