CAUAYAN CITY – Nakatakdang mamahagi ang Japanese government ng 100,000 yen na ayuda sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) at dokumentadong residente ng Japan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Imelda Imee Kojima, OFW sa Japan sinabi niya na ito ang inihayag ng pamahalaan ng Japan matapos na mawalan ng kita at kabuhayan ang maraming manggagawa at residente dahil sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).
Aniya, magpapadala ng notice, kalakip ang isang form sa mga residente ang Japanese government bilang unang hakbang sa pagbibigay ng naturang ayuda.
Kasunod nito ay kailangang punan ng mga residente ang form at saka muling ipapadala sa kanilang city hall upang maproseso at sa pamamagitan ng online banking o online transaction ay maililipat na ng direkta sa bank account ng mga residente ang 100,000 yen na ayuda.
Maliban sa mga residente ay may nakahanda na ring ayuda sa mga negosyanteng nagsara o hindi na kumikita dahil sa COVID-19 na magmumula rin sa pamahalaan ng Japan.
Sa ngayon ay puspusan na ang paglalatag ng pamahalaan ng Japan ng mga hakbang upang matulungan ang mga residente at OFWs na nanatili sa kanilang bansa.