KALIBO, Aklan – Sugatan ang isang Japanese kitesurfer matapos madikitan ng jellyfish o dikya habang sumasabak sa isang international kitesurfing competition sa Bulabog beach sa Boracay.
Kinumpirma ni Marsh Gersbach, chief judge sa kompetisyon, ang pangyayari.
Ang Hapon na hindi na pinangalanan ay isa umano sa 67 kalahok sa Boracay leg ng international kiteboarding association.
Sinabi pa ni Gersbach na karaniwan nang nakikitang palutang-lutang sa tubig ang dikya na nakasanayan na rin ng mga kitesurfers sa lugar.
Hindi naman aniya gaanong napuruhan ang braso ng Japanese national na agad na binigyan ng paunang lunas ng mga nakabantay na miyembro ng Boracay Fire and Rescue Ambulance Volunteers Incorporated.
Itinuturing ang mga buwan ng Abril at Mayo bilang jellyfish season sa bansa.