ILOILO CITY – Arestado ang isang Japanese na pugante sa bayan ng Guimbal, Iloilo.
Ito ay si Yohhei Yano, 43, at kasalukuyan itong nakatira sa Binanua-an Guimbal, Iloilo at may negosyo sa nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Major Reagan Oriña, hepe ng Barotac Nuevo Municipal Police Station, sinabi nito na nahuli si Yano sa Guimbal Port sa Brgy. Gemini ng mga operatiba ng Bureau of Immigration, kasama ang pinagsanib nilang pwersa ng Guimbal Municipal Police Station.
Ayon kay Oriña, si Yano ay nakipagsabwatan sa kapwa Japanese na si Nakamura Sho sa isang robbery incident sa Heaven’s Kaitori Center, Kubota, Yokkaichi-city sa Mie prefecture sa pamamagitan ng paggamit ng tear gas at kutsilyo.
Natangay ng mga ito ang 882,992 yen at 2,558,340 yen at 70 gold items.
Sa arrest warrant na inilabas ni Judge Abe Akihiko ng Yokkaichi Summary Court, si Yano at si Sho ay nahaharap sa kasong robbery, extortion at naugnay rin sa telecommunications fraud.
Isinuko rin ni Yano ang kanyang 9mm caliber, dalawang assembly magazines na may 29 rounds ng ammunition.
Si Yano ay dinala sa Bail for Immigration Detainees Detention Facility sa Bicutan, Taguig, City.