-- Advertisements --
japan stabbing

Ipinag-utos ni Japanese Prime Minister Abe Shinzo sa Japanese government na higpitan ang seguridad ng mga menor-de-edad na pumapasok sa eskwelahan.

Ito ay matapos ang naganap na pananaksak sa isang bus station sa Kawasaki, Japan na ikinasawi ng 2 katao, kabilang na ang isang 12-taong gulang na bata, at 17 naman ang nagtamo ng sugat.

Iniatas ni Abe sa education minister at chairman of the National Public Safety Commission ng bansa na siguraduhing i-check ang safety measures ng bawat elementary students na papasok sa kanilang mga paaralan.

Kinilala naman ng mga otoridad ang suspek na si Ryuichi Iwasaki, 51-anyos. Inilarawan si Iwasaki ng kanyang mga kapitbahay bilang mainitin ang ulo pero bukod doon ay wala na silang ibang alam na impormasyon patungkol dito.

Apatnapung minuto bago maganap ang insidente, nagawa pa raw bumati ng “good morning” ang suspek sa kanyang mga kapitbahay na hindi naman daw nito normal na ginagawa.

Hindi naman makapaniwala ang isa nitong kapitbahay na kaya ng suspect ng ganitong bagay. Noong isang araw daw kasi ay nakita niya itong naglalakad habang may bitbit na shopping bags.

Ayon sa vice principal ng pribadong paaralan kung saan nag-aaral ang mga biktimang menor-de-edad, sinubukan niya raw pigilan ang suspek ngunit masyadong mabilis ang mga pangyayari.

Di kalaunan ay sinaksak din ng suspek ang kanyang sarili bago siya tuluyang arestuhin ng mga otoridad.