Ipinatatawag ngayon sa PBA Commissioner’s Office sina Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra at Adrian Wong ng Rain or Shine upang makuha ang kanilang panig tungkol sa umano’y paglabag sa umiiral na quarantine protocols.
Ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial, nakatakda niyang pulungin sina Aguilar at Wong sa darating na Lunes matapos kumalat sa online ang mga videos kung saan makikitang naglalaro ang mga ito ng five-on-five basketball.
Maaalalang batay sa direktiba ng Inter-Agency Task Force (IATF), bawal ang pagsasagawa ng mga contact sports, maging ang mga practice at scrimmage.
Sinabi pa ni Marcial, nakausap na raw nito ang special draft pick na si Isaac Go, isa pa sa mga players na nakita sa video, tungkol sa nasabing insidente.
Maliban kina Aguilar at Go, nakita rin na naglalaro sa isang full-court game si Thirdy Ravena sa Ronac Gym sa San Juan.
Habang si Wong ay namataan naman sa ibang mga larawan at video na ipinost sa Instagram ng isang basketball trainer.
Ani Marcial, kanya raw rerebyuhin ang lahat ng mga videos na nakalap ng kanyang tanggapan bago makipagpulong sa mga players.
Umaasa naman ito na hindi parurusahan ng IATF ang mga sangkot na manlalaro.