-- Advertisements --

Mistulang nakahinga ng maluwag ang coaching staff ng national team Gilas Pilipinas matapos na malaman na makakasama na rin sa 13 mga players ang big man na si Japeth Aguilar na sasabak ngayong linggo sa fourth window ng FIBA Basketball World Cup Asian qualifiers.

Una nang lumutang ang isyu na hindi na makakahabol si Aguilar dahil sa usapin ng health protocols nitong nakalipas na araw.

Inamin naman ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) executive director at spokesperson Sonny Barrios na matagal ng gusto ni head coach Chot Reyes at coach Tim Cone na maging bahagi ng national team si Aguilar mula pa sa simula ng training.

Aniya, hindi naman daw seryoso ang kalagayan ni Japeth at kailangan lamang ang clearance.

Ang 35-anyos na veteran PBA player ay magbibigay ng dagdag sa matatangkad na players ng bansa, para makasama ang 7-foot-3 na si Kai Sotto at ang NBA star na si Jordan Clarkson.

Narito pa ang napiling mga miyembro ng Gilas Pilipinas: Dwight Ramos, magkapatid na Kiefer at Thirdy Ravena, Bobby Ray Parks, PBA players Scottie Thompson, Chris Newsome, Jamie Malonzo, Calvin Oftana, free agent Roosevelt Adams, at collegiate star Carl Tamayo.

Sa Biyernes ang laban ng Pilipinas kontra Lebanon at susundan ng laro kontra Saudi Arabia sa susunod na Lunes.