-- Advertisements --

Sumapi na sa staff ng bagong coach ng Los Angeles Lakers na si Frank Vogel sina dating NBA head coaches Jason Kidd at Lionel Hollins.

Nitong Miyerkules (Huwebes, Manila time) nang pormal na inanunsyo ng Lakers ang bubuo sa buong coaching staff ni Vogel.

Kabilang din sa magiging mga assistant coaches ni Vogel sina Phil Handy, Miles Simon, former Lakers guard Mike Penberthy at Quinton Crawford.

Sa nasabing mga personalidad, si Simon lamang ang dati na ring naging kasapi naman ng staff ni dating coach Luke Walton.

Ang pagsaling ito ni Kidd sa Lakers ay matapos ang kanyang trabaho bilang head coach sa Brooklyn at Milwaukee.

Sinibak noong Enero 2018 ng Bucks ang Hall of Fame point guard.

Iginugol naman ni Hollins ang kanyang apat na season sa Memphis at dalawa naman sa Nets, na tinanggal naman ito noong Enero 2016.

Maliban dito, kinuha rin ng Lakers sina Greg St. Jean, Dru Anthrop at Jon Pastorek bilang player development coaches na may karagdagang tungkulin.