BAGUIO CITY – Patuloy ang mahigpit na pag-eensayo ni Javelin-Great Erlinda Lavandia para sa pakikipagtunggali nito sa Asian Masters Track and Field na magaganap sa Kuala Lumpur, Malaysia sa huling kwarter ng kasalukuyang taon.
Ayon sa 67-anyos na retired police officer ng Baguio City Police Office, nakatutok ang kanyang training camp sa pagpapaganda sa kanyang kondisyon at stamina.
Adhikain ng atleta na idepensa ang paborito nitong katergorya na javelin-throw maliban lamang sa pakikibahagi nito sa iba pang events gaya na lamang ng discus throw, hammer throw at shot put.
Sa ngayon ay regular ang ensayo ni Lavandia sa Baguio Athletic Bowl at pumupunta pa ito sa Baguio Gym and Fitness Center para sa conditioning.
Nasungkit ni Lavandia na kilala bilang Javelin Queen ang apat na gintong medalya sa Singapore Master’s Athletic Sports Track and Field Tournament sa javelin, discus at hammer throw gayundin sa shot put.
Nakilala pa ang 67-anyos na atleta bilang Best Athlete sa field events na nasabing torneyo.