-- Advertisements --

Kinumpirma ni Jayson Castro na hindi ito maglalaro para sa Gilas Pilipinas sa darating na FIBA World Cup sa China.

Ayon kay Castro, ito na raw ang panahon upang ituon naman niya ang kanyang atensyon sa kanyang pamilya.

Magugunitang nitong nakaraang Linggo nang nag-isang dibdib ang TnT Katropa star sa kanyang longtime partner na si Lyle Castro.

Sinabi pa ni Castro na nagkausap na raw sila nina Gilas mentor Yeng Guiao at ng buong coaching staff, ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), at si SBP chairman emeritus Manny V. Pangilinan.

“Sabi ko sa kanila I want to focus muna sa family ko, kasi almost seven years na non-stop basketball,” wika ni Castro.

Unang naglaro para sa Gilas si Castro noong 2013 bilang miyembro ng koponang nagtapos sa ikalawang puwesto sa Fiba Asia Championship.

Umaasa naman ang beteranong guard na mauunawaan ng lahat ang kanyang pasya.

“Naintindihan naman nila coach Yeng yun nga pinag-usapan namin yung situation kung bakit ako nagpapaalam muna sa Gilas. And even yung mga bosses sa Gilas,” ani Castro.

Posible rin aniyang ito na ang huling pagkakataon na maglalaro ito para sa national squad.