Naiposte ng New York Knicks ang kanilang ikatlong sunod na panalo laban sa Golden State Warriors, 119-104.
Nanguna sa opensa ng Knicks si RJ Barret na may career-high na 28 points na sinuportahan ni Julius Randle na nagpakita ng double-double, gamit ang 16 points at 17 rebounds.
Sa kampo ng Warriors, nasayang naman ang 30 points ni Stephen Curry.
Sa ngayon parehas na ring may tig-walong panalo ang dalawang koponan.
Sa ibang game, nagtala ng come-from-behind win ang Utah Jazz nang buweltahan ang New Orleans Pelicans, 129-118.
Mula sa 16 points na kalamangan ng Pelicans, nahabol ito ng Jazz sa pangunguna ni Donovan Mitchell na may season-high na 36 points.
Sa init ng shooting ng Utah, nagpasok din ng anim na three pointers si Mitchell na hindi na natapatan ng Pelicans.
Tumulong din sina Mike Conley na may 20 points at ang Fil Am na si Jordan Clarkson ay nagdagdag ng 19.
Sinasabing ang ika-siyam na panalo ng Utah ang “longest active win streak” ngayon sa NBA season.
Sa panig ng New Orleans si Zion Williamson ay umiskor ng 27 points habang si Brandon Ingram ay nagtapos sa 23 kung saan nasayang din ang kanilang halos “perfect na first half.”
Samantala haharapin ng Pelicans sa kanilang final game sa seven-game road trip ang Minnesota bukas.
Ang Jazz ay host naman sa Golden State sa kanilang banggaan sa Lunes.