Hindi rin nagpahuli ang Utah Jazz upang makuha ang unang panalo matapos na ilampaso ang Oklahoma City Thunder, 107-86.
Agad na nagpakitang gilas ang big man ng Jazz na si Rudy Gobert na nagposte ng 16 points at 21 rebounds.
Tumulong din naman si Bogdan Bogdanovic na may 22 points, habang ang Fil-Am player na si Jordan Clarkson ay umeksena rin sa kanyang 18 points mula sa bench.
Sa ibang game, nanguna ang reigning MVP na si Nikola Jokic upang masungkit din ng Denver Nuggets ang first win laban sa Phoenix Suns, 110-98.
Umiskor si Jokic ng 17 points at 13 rebounds para dominahin ang laro mula sa first quarter.
Sa panig ng Suns angat pa rin ang laro ng veteran point guard na si Chris Paul na may 15 points at 10 assists pero kinulang pa rin sa huli.
Samantala, mistula namang walang kalawang si Zach LaVine nang dalhin ang Chicago Bulls sa unang panalo rin laban sa Detroit Pistons, 94-88.
Ang Olympian na si LaVine ay nagposte ng 34 points at seven rebounds.
Sa Pistons naman top scorer si Jerami Grant na may 24 points at six rebounds.
Sa kabilang dako, nahanay din sa mga Day 1 winners ang Washington Wizards nang pahiyain ang Toronto Raptors, 98-83.
Tulad ng inaasahan binitbit ni Bradley Beal ang koponan nang itala ang 23 points at meron ding tig-apat na assists at steals sa all-around game.
Sa kanyang debut game ni Kyle Kuzma sa Wizards nagpakawala ito ng 11 puntos at humablot ng 15 rebounds.
Sa isa pang opening game, nasilat ng Sacramento Kings ang Portland Trail Blazers, 124-121.
Minalas pa ang Blazers na ipinarada ang kanilang bagong coach at NBA legend na si Chauncey Billups.
Walang patawad sa kanilang opensa sina Harrison Barnes na nagbuslo ng 36 points at si De’Aaron Fox na nagdagdag naman ng 27.
Hindi na rin kinaya ng Portland na ma-sustain ang kanilang rally sa fourth quarter nang kumayod nang husto sina Damian Lillard at Jusuf Nurkic.
Nagtapos sa game si Lillard na may 18 points at 11 assists.