Nakipagkita si dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson kay Hollywood action star Jean-Claude Van Damme para sa paggawa ng isang pelikula.
Ayon kay Singson, gagawin ang pelikula sa Pilipinas kung saan itatampok din dito ang Vigan City, isang United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO) World Heritage City.
Mismong si Van Damme ang magsisilbing producer ng gagawing pelikula at inaasahang makikita rito ang ilang matitinding action stunt, kung saan nakilala ang action star.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na buod ng gagawing pelikula habang binubuo pa ang magiging cast nito.
Samantala, sa pag-uusap nina Singson at Van Damme sa Central Hong Kong, tinalakay ng dalawa ang magiging kolaborasyon sa gagawing pelikula.
Nakilala si Van Damme sa buong mundo dahil sa magaganda nitong action film tulad ng ”Universal Soldier”, ”The Quest”, ”Double Impact”, ”Hard Target”, at maraming iba pang pelikula na karamihan ay sumesentro sa kaniyang martial arts skills.