Iginiit ni Senador Robinhood Padilla na ang mga “hero” na jeepney driver at ang lokal na manufacturers ang dapat mauna na makinabang sa Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.
Ayon kay Padilla, ito ang dapat tiyakin ng pamahalaan na suportahan ang mga lokal na gumagawa bago bigyan ng importansya ang mga dayuhan.
Ayon kay Padilla, malaki ang papel ng mga jeepney drivers sa pampublikong transportasyon.
Aniya, maraming estudyante at manggagawa ang hindi makararating sa paaralan o sa trabaho kung walang jeep.
Dagdag pa ng senador, mapipilay ang pamayanan kung nag-strike ang mga PUV driver na itinuturing niyang bayani.
Ipinunto rin ni Padilla na bagama’t layon ng PUV Modernization Program na tugunan ang hinaing ng jeepney driver habang tiyaking komportable ang mga pasahero, lumalabas na ang mga problema sa implementasyon nito.
“Sa panahon po na tila mas marami ang dumadaing, umaaray, sa isinusulong na programa po ng ating pamahalaan, hindi po tayo maaaring magbingi-bingihan, bilang tayo po ay public official, tayo ay nag-oath na pangangalagaan natin ang ating taumbayan, kailangan natin pakinggan ang ating mga bayaning jeepney drivers,” aniya.