Nagsama-sama ang mga jeepney driver at mga operator sa Metro Manila para ihayag ang kanilang pagtutol sa panawagan ng mga Senador na pansamantalang pagtigil sa Public Transport Modernization Program
Alas-6 kaninang umaga (Aug 5) nang sinimulan ng grupo ang programa sa Welcome Rotonda sa Quezon City.
Matapos ang programa, nagmartsa ang mga ito patungong Malakanyang upang umapela kay PBBM na huwag hayaang suspendihin ang naturang programa.
Ilan sa mga komento ng mga ito ay ang napakataas na bilang o porsyento ng mga nag-consolidate na unang sumuporta sa programa kung saan tinatayang binubuo ito ng hanggang 80%.
Ayon naman kay Kooperatiba at Korporasyon ng Alyansang Pilipino para sa Modernisasyon (AKKAP MO) convenor Ed Comia, walang ibang intensyon ang grupo kundi ang ihayag ang kanilang hinaing sa pamahalaan.
Hindi aniya nila nais na magdulot ng perwisyo sa mga pasahero ngayong araw ngunit nais lamang na maramdaman ng gobiyerno ang kanilang pagtutol.
Maliban sa mga transport group sa Metro Manila, maraming mga grupo at kooperatiba rin ang nagsagawa ng unity walk ngayong araw. Ang mga ito ang unang tumugon sa 1st phase ng PUVMP na konsolidasyon ng mga pampublikong transportasyon.