Pagkakataon naman ng Australian star na si Jeff “Hornet” Horn (16-0-1, 11 KOs) na magpakitang gilas sa kanyang kahandaan sa laban kontra kay Manny Pacquiao (59-6-2, 38 KOs) sa darating na Linggo.
Sa ulat ng Bombo international correspondent na si Johnny Armas, isinagawa ni Horn ang public workout sa Brisbane Square sa Brisbane, Australia.
Nagsagawa rin ito ng light workout tulad ng stretching exercises, shadow boxing at mitts session upang ipakita ang kanyang footwork at malalakas na suntok.
Inilarawan pa ni Armas na lutang na lutang ang bentahe ni Horn kay Pacman pagdating sa physical attributes, tulad ng tangkad nito, maskulado at malapad ang balikat.
Namahala naman sa workout ni Horn sa improvised ring ang kanyang chief trainer na si Glenn Rushton.
Tinatayang umaabot sa 400 hanggang 500 boxing fans ang bumuhos sa event.
Sa pahayag ni Horn, sinabi nito na ready na siya sa giyera.
Ito ay sa kabila na lumutang ang isyu na mabigat pa rin siya sa 147 pounds na welterweight limit.
Sa panayam din ng Bombo Radyo kay Rushton, ipinagmalaki nito ang nabuo nilang masterplan upang gulatin sa ibabaw ng ring ang fighting senator.
Pero una nang sinabi ni Pacman hindi niya minamaliit si Horn kaya naman matinding training camp ang kanyang ginawa sa Pilipinas.
Nitong araw nagsagawa ng jogging at light training sa gym si Manny.
Sa gabi naman ay pinangunahan niya ang Bible study na dinaluhan ng maraming mga supporters.
Samantala, naging tampok din sa ginanap na promotional activity ni Horn ay ang pakikibahagi ng undefeated na 22-year-old Russian boxer na si Umar Salamov.
Makakalaban ni Salamov sa undercard ng Pacquiao-Horn ang Australian na si Damien Hooper.
Nagpakitang gilas din sa mga local fans ang isa pang pambato ng Brisbane na si Jarrett Owen na haharapin sa Linggo ang hinuhulaang future star na Irish Olympian na si Michael Conlan.