Ikinokonsidera na ngayon ni Australian boxer Jeff Horn na tuluyan nang isabit ang kanyang boxing gloves matapos na magapi ito ni Tim Tszyu sa isang super-welterweight bout.
Ayon kay Horn, tiyak daw na mahihirapan na itong makumbinsi ang kanyang asawa at dalawang anak na sumabak pa ulit sa isang boxing match kahit na tatlong beses na itong natatalo sa kanyang huling limang laban.
“I’ll go home and talk to (wife) Jo but I know what she’s going to say,” wika ni Horn. “In the end, I have to ask if I have more in the tank or is that it. I probably don’t have the hunger of Tim Tszyu. I’ve been there, done the world title, I was just fighting for the big fights and the mountain was too big for me tonight.”
Si Tim Tszyu ay anak ng dating world champion na si Kostya Tszyu.
Kaugnay nito, ang promoter ni Horn na si Dean Lonergan ay naniniwala rin na panahon na raw para sa dating world champion na magretiro na mula sa sport.
“I think tonight would be a nice full stop,” ani Lonergan sa karera ng 32-anyos na si Horn. “The baton I think’s been passed.”
Bumaba ng weight division si Horn para sa kanilang bakbakan ni Tszyu sa Townsville stadium sa north Queensland.
Bagama’t buo ang kumpiyansa ni Horn na pumasok sa laban, mistulang hindi ito naging sapat upang mapigilan ang pagkontrol ni Tszyu sa sagupaan.
Na-knock down si Horn sa ikatlo at ikaanim na round at inihinto na ng referee na si Phil Austin ang boxing match sa loob ng walong rounds.
Maaalalang nakilala nang husto si Horn matapos ang naging kontrobersyal na panalo nito sa naging sagupaan nila ni Pinoy ring icon Sen. Manny Pacquiao noong 2017.