Nagpahiwatig si Australian boxer Jeff Horn na posible na raw nitong isabit nang tuluyan ang kanyang boxing gloves.
Ito’y matapos na maagaw sa kanya ni Michael Zarafa ang WBA Oceania middleweight title nang ma-knockout ito sa ikasiyam na round sa bakbakang ginanap sa Bendigo Stadium.
Ito na ang kanyang ikalawang talo sa loob ng 18 buwan, kung saan ang huli ay nang makatikim ito ng ninth round technical knockout kay Terence Crawford noong Hunyo 2018, rason para mawala rin sa kanya ang WBO welterweight belt.
“I don’t want to be doing this forever, getting battered and bruised,” wika ni Horn. “I’ve got two beautiful girls and Jo.”
Sa kanyang unang laban matapos pataubin ang kababayang si Anthony Mundine sa Brisbane nitong Disyembre, mistulang naging makupad at matamlay ang ikinilos ni Horn kumpara sa mas batang si Zerafa.
Napatumba si Horn sa unang bahagi ng second round, kung saan nagtamo rin ito ng malalang hiwa sa kanyang kaliwang mata.
Bagama’t naging agresibo sa ikatlong round, hindi na nakabawi pa ang Queenslander.
Dahil sa magkakasunod na suntok na sinalo ni Horn sa mukha sa ninth round, napilitan ang trainer ni Horn na si Glenn Rushton na ibato ang puting towel upang ibigay kay Zerafa ang panalo.
“I’m a bit shattered. It’s not fun losing, that’s for sure,” ani Horn. “I felt really sluggish. I felt heavy. I just felt like crap going into it, but well done to Michael for landing those beautiful shots. You could see I wasn’t myself and I had no answers for him tonight.
“I wasn’t that well earlier in the week, but I don’t want to use that as an excuse because I felt fine tonight. Full credit to Michael Zerafa.”