Mariing kinondena ng iba’t ibang LGBT groups ang inilabas na release order ng Olongapo City Regional Trial Court Branch 74 para maagang makalaya ang suspek sa pagpatay sa transgender woman na si Jennifer Laude noong 2014.
Si Lance Cpl. Joseph Pemberton ay sinentensyahan ng 6-10 taong pagkakakulong makaraang hatulan ng homicide.
Noong Martes nang pagbigyan ng Olongapo City court ang early release plea ni Pemberton sa ilalim ng good conduct time allowance rule (GCTA).
Kung maaalala, inamin ng nasabing US Marine ang pambubugboig at pagsakal kay Laude hanggang sa mamatay noong malaman ni Pemberton na mayroon din itong ari ng lalaki.
Sa isang Facebook post ay inilahad ng Lagablab LGBT network ang kanilang galit sa naging desisyon ng korte. Anila ang maagang pagpapalaya kay Pemberton ay hindi sapat na kabayaran para sa krimen na kaniyang ginawa.
Si Pemberton ay kasalukuyang nakakulong sa Camp Aguinaldo imbes na ilagay ito sa isang regular na kulungan. Alinsunod itosa provisions ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Para naman sa LGBT group na Bahaghari, ang hakbang na ito ay hindi lamang patunay ng patuloy na pakikibaka ng LGBT community sa Pilipinas ngunit pati na rin ng paninidigan ng bansa na mas pinapanigan nito ang Amerika.