Ireretiro na ng Brooklyn Nets ang jersey No. 15 ni NBA legend Vince Carter.
Ito ay bilang pagkilala sa legasiyang iniwan ng retiradong basketbolista noong naglaro siya sa naturang koponan.
Kapag nairetiro ang jersey No. 15 ni Carter, siya na ang ikapitong maireretiro sa kasaysayan ng koponan, at sasamahan sina Dražen Petrović (#3), Jason Kidd (#5), John Williamson (#23), Bill Melchionni (#25), Julius Erving (#32) at Charles “Buck” Williams (#52).
Ang mga naturang player ay kapwa nag-iwan ng hindi makakalimutang mga legasiya sa Brooklyn, kasabay ng kanilang magagandang play noong kasagsagan ng kanilang paglalaro.
Umabot sa 374 games ang inilaro ni Carter sa NBA gamit ang kanyang Nets uniform.
Sa loob nito ay nagawa niyang kumamada ng 23.6 points per game, 5.8 rebounds per game, at 4.7 assists per game. Babad din ang kanyang paglalaro dahil inaabot siya ng kabuuang 37.9 minutes kada laro.
Sa loob nito ay tatlong beses siyang nakapasok sa All-Star.
Samantala, sa kasaysayan ng Nets ay pangatlo si Carter sa may pinakamaraming puntos na naipasok (8,834). Hawak din ni Carter ang pinakamaraming 30-point game kung saan 90 beses siyang nakapagtala nito.
Hawak din ni Carter ang pinakamaraming 40-point game na umabot sa 17 games.
Gaganapin ang retirement ceremony sa January 25, 2025 sa Barclays Center kung saan nakatakdang magharap ang Nets at ang Miami Heat.