-- Advertisements --

Kinilala na ng Philippine National Police (PNP) ang lone gunman na nanloob sa Resorts World Manila na ikinasawi ng 37 katao habang 54 ang sugatan.

Ito ay batay sa inilabas na CCTV footage mula mismo sa pamunuan ng nasabing casino.

Ayon sa PNP, nakausap na ng mga pulis ang mga kamag-anak at pamilya ng suspek.

Tinukoy ni National Capital Region Police Office (NCRPO)chief Director Oscar Albayalde ang suspek na nakilalang si Jessie Carlos, 42, dating empleyado ng Department of Finance at residente ng San Lazaro, Sta. Cruz, Maynila.

Sinabi ni Albayalde na batay sa kanilang isinagawang backtracking at follow up operations, kanilang nabatid na may financial problem ang suspek dahil baon umano ito sa utang bunsod sa pagkakalulong nito sa casino.

Kinumpirma ni Albayalde na ibinenta ng suspek ang kaniyang sasakyan at ilang mga properties dahil sa pagiging sugarol na nito.

Naging sanhi aniya ito sa paghihiwalay nilang mag-asawa.

Kuwento ni Albayalde, sinibak sa trabaho si Carlos dahil sa ilang mga maanomalyang transaksiyon.

Napag-alaman na may utang ito na P4 million bukod pa sa ibang pagkakautang nito.

Inihayag ni Albayalde na kaninang alas-5:30 ng umadaling araw nang magtungo ang kaanak ng suspek at kinausap ng Special Investigation Task Group.

Muli namang binigyang-diin ni Albayalde na ang insidente ay walang kinalaman sa terorismo.

Inihayag pa ni Albayalde na batay sa kahilingan ng mga kamag-anak, pinagbawalan siya ng PAGCOR na makapasok sa mga casino.

Isang umanong high roller player si Carlos kung saan ang taya nito ay aabot hanggang P40,000 pero hindi naman siya frequent player ng Resorts World.

“Depressed na depressed” naman daw ang asawa ng suspek na nakilalang si Jen Carlos.

Tatlo ang anak ng gunman na may edad 17-anyos, 10, at walong taong gulang na bunso.

Samantala, humihingi naman ng patawad ang tatay ni Jessie sa mga biktima dahil sa ginawa ng kaniyang anak

Kasabay nito, nagpaabot din sya ng pakikiramay sa mga naiwang pamilya ng mga nasawi.