Inaasahan na ng Miami Heat na lalo pang gagalingan at magiging delikado ng husto ang Los Angeles Lakers matapos masilat nila kanina sa Game 3, 115-104.
Ayon sa best player of the game na si Jimmy Butler, alam nilang babangon ang Lakers sa Game 4 sa Miyerkules.
Una rito naging bayani si Butler sa mistulang desperadong panalo ng Miami nang magpakita siya ng mala-halimaw na laro nang kumamada ng 40 big points, 13 assists at 11 rebounds.
Nang batiin naman si Butler sa kanyang nakakabilib na triple-double performance, sagot naman niya, wala raw siyang pakialam sa record basta ang importante manalo ang team na siyang nagpasaya sa kanya.
“I know they’re going to be so much better, and we’ve got to be able to match that energy,” ani Butler natapos ang game. “I don’t care about a triple-double. I don’t care about none of that I really don’t. I want to win.”
Mistula ring nakahanap nang taktika ang Miami nang malimitahan nila ang big man ng Lakers na si Anthony Davis na meron lamang 15 points at nanganib pa dahil sa apat na fouls.
Sa first quarter pa lamang agad na umarangkada ang Heat nang umabot sa 13 ang kanilang abanse pero nahabol ito ng Lakers.
Maging sa second at third quarter ay nagtangka ring kumawala ng Heat pero laging nakabuntot na humahabol ang LA.
Sa fourth quarter ay hindi sumuko si Butler upang pangunahan ang pagprotekta sa kanilang lead.
Malaking tulong naman ang naiambag nina Tyler Herro at Kelly Olynyk na merong tig-17 puntos para sa Miami at sina Duncan Robinson na may 13 at si Jae Crowder na nagtapos naman sa 12.
Kung ikukumpara ang starters ng Miami ay mas marami ang naibuslo nila kaysa sa Lakers starting five na umabot sa 89-51.
Maging sa three point area ay namayani rin ang Heat 14-for-42.
Si LeBron naman ay nagpakita ng 25 points at 10 rebounds.
Ang dagdag na walong assists ni James ay nagtala rin sa kanya sa kasaysayan bilang may pinakamarami ngayong NBA season.
Samantala nasayang naman ang diskarte nina Kyle Kuzma at Markieff Morris na parehong umeksena sa tig-19 points mula sa bench.
Ang matinding performance kanina ni Butler ay napahanay din siya bilang ika-21 player sa NBA history na nag-record ng triple double sa NBA finals.
Sa Miyerkules ipagpapatuloy ang Game 4, simula ng alas-9:00 ng umaga.