Ipinaabot na ni dating Senator Jinggoy Estrada ang taos-pusong pasasalamat para sa lahat ng mga sumuporta sa kanyang senatorial candidacy, kasabay ng paghayag na tinatanggap na nito ang hindi pagpasok sa Magic 12.
Sa kanyang online post, umapela si Jinggoy o José Pimentel Ejército Jr. sa tunay na buhay, sa ilang mga nangunguna sa listahan gaya nina Bong Go, Ronald “Bato” dela Rosa, Francis Tolentino, at Imee Marcos, na tuparin ang mga ipinangako noong kampanya,
“Malaki ang aking paniniwala na magiging maayos at productive ang Senado dahil subok na ang inyong kasipagan at determinasyon na manilbihan sa taong bayan,” ani Estrada.
Pinuri rin nito ang mga reelectionists na sina Sonny Angara, Koko Pimentel, Grace Poe, Cynthia Villar, Pia Cayetano, at Lito Lapid.
“I truly hope that all of you maintain the independence of the Senate, an institution where our people look up to,” dagdag nito.
Special mention din nito si Ramon “Bong†Revilla Jr., na tinawag pa niyang BFF (best friend forever) at “kakosa” (fellow inmate) kung saan ipagdarasal daw nito na magtagumpay.
“Ipagdadasal ko ang iyong tagumpay sa Senado at ipagpatuloy mo ang laban para sa katotohanan. I love you my friend!,” sambit ni Jinggoy.
Unang pagkakataong nagkomento si Jinggoy matapos hindi palaring magwagi ang mga kandidatura nila ng kanyang anak na si Janella, na tumakbo bilang alkalde ng San Juan City; at ng ama niyang si Joseph Estrada na re-electionist bilang alkalde ng Maynila.
Sina Jinggoy at Bong ay kapwa naharap sa graft at plunder cases kaugnay sa kontrobersyal na pork barrel scam.
Base sa partial and unofficial results, nasa pang-15 puwesto si Jinggoy sa senatorial race.
Kabilang sa mga naging pelikula ng ngayo’y 56-year-old celebrity politician ay ang “Utang Ng Ama,” “Walang Iwanan, Peksman!” “Hiwaga Ng Panday,” “Katas ng Saudi,” at iba pa.