Magdaraos ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng job fairs para sa local at overseas employment para sa mga manggagawang apektado ngayon ng POGO ban sa bansa.
Gayundin magaalok ang ahensiya ng iba pang jobs at livelihood programs para sa mga ito.
Nagsasagawa din ng profiling ang ahensiya sa mga apektadong POGO workers para matukoy ang trabahong akma sa kanila at pagsasanay na kailangan nila para magkaroon ng mas magandang oportunidad sa trabaho.
Ayon sa kalihim, mula sa 79 na internet gaming licenses, nasa 28 POGO firms sa Metro manila ang nakapagbigay na ng listahan ng kanilang mga manggagawa. Kasalukuyang pinagsusumite din ng DOLE ang iba pang mga kompaniya.
Karamihan sa mga trabaho ng mga manggagawa sa nasabing mga kompaniya ay may kinalaman sa encoding, information, technology, administrative, finance at iba pa.
Target din ng DOLE na mabigyan ng trabaho sa business process outsourcing ang mga apektadong POGO workers dahil ayon sa kalihim committed ang sektor na makalikha ng milyong mga trabaho.
Sinabi naman ni Sec. Laguesma na maaaring dumulog ang apektadong POGO workers sa kanilang tanggapan simula ngayong linggo.