Magdaraos ng job fair ang pamahalaan at magbubukas ng Kadiwa ng Pangulo para sa Manggagawa stores sa 16 na rehiyon sa bansa sa Labor day, Mayo 1 ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Ito ay sa pakikipagtulungan na rin ng Department of Trade and Industry at ng Department of Agriculture.
Sa Kadiwa stores, mag-aalok ng murang mga pagkain at iba pang essential commodities upang matulungan ang mga manggagawa na magkaroon ng access sa mga bilihin sa murang halaga gayundin para maibenta ng mga magsasaka ang kanilang mga produkto ng direkta sa mga mamimili nang walang middleman upang matamasa nila ang mataas na kita.
Maliban pa dito at sa job fairs sa araw ng manggagawa, mamamahagi din ang DOLE ng financial assistance para sa mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers program, Special Program for Employment of Students at Government Internship Program sa mga rehiyon.
Hinihimok naman ng DOLE ang mga jobseekers na maghanda sa kanilang application requirements gaya ng resume o curriculum vitae, certificate of employment para sa mga dating employed, diploma at transcript of records.