ILOILO CITY – Patay ang isang job hire ng Iloilo City Hall matapos sinaksak ng traffic auxilliary sa Barangay Gloria, Iloilo City.
Kinilala ang biktima na si Manuel Pasinag, 56, at nagtatrabaho sa Task Force Anti-Squatting and Illegal Structures habang ang suspek naman ay si Melchor Alivas, 44 at nagtatrabaho sa Public Safety and Transportation Management Office (PSTMO), na pawang residente ng nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Staff Sergeant Alberto Espinosa, imbestigador Iloilo City Police Station 1, sinabi nito na magkasamang nag-iinuman ang dalawa kasabay ng fiesta sa kanilang barangay nang bilang nag-eskandalo ang suspek.
Ayon kay Espinosa, sinita ng kanyang kasamahan si Alivas na ikinagalit nito.
Umuwi ang suspek at nang bumalik ito, may bitbit na itong kutsilyo.
Sinundan umano ni Pasinag upang pigilan si Alivas ngunit biglang sinaksak ng suspek ang biktima ng maraming beses sa dibdib, mukha at kamay na naging dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.
Kaagad naman sumuko ang suspek matapos ang krimen.