-- Advertisements --


ILOILO CITY – Umaabot sa 200 job hires sa lungsod ng Iloilo ang hindi pa rin nakakatanggap ng sahod simula Enero hanggang noong Marso 2019.

Resulta ito ng pagmamatigas ni Iloilo City Treasurer Engr. Jinny Hermano na pirmahan ang payroll ng nasabing mga jobhires.

Sa isinagawang legislative inquiry na ipinatawag ng Iloilo City Council upang talakayin ang nasabing isyu, pinanindigan ni Hermano ang hindi niya paglagda sa payroll ng mga job hires.

Wala raw kasing appropriation o cash back-up para sa mga job hires na ito.

Ani Hermano, sinusunod lamang niya kung ano ang nakasaad sa batas upang hindi siya malagay sa alanganin sa hinaharap.

Una nang inakusahan ni Iloilo City Mayor Jose Espinosa III si Hermano na nagpapadikta sa kanyang bayaw na si Iloilo City Lone District Cong. Jerry Treñas upang huwag bigyan ng sahod ang mga job hires.

Tinawag naman na sinungaling ni Treñas si Espinosa dahil gumagawa lamang daw ito ng kuwento para sirain ang kanyang imahe.

Sina Treñas at Espinosa ay magtutungali sa mayoralty race sa lungsod ng Iloilo sa darating na halalan.