Binigyang linaw ng Korte Suprema na ang mga contract of service o job order workers na nagtrabaho para sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ay hindi maituturing na mga empleyado ng gobyerno sa ilalim ng hurisdiksyon ng Civil Service Commission (CSC).
Ito ang binigyang diin ng kataas-taasang hukuman sa isang desisyon na isinulat ni Associate Justice Ramon Paul L. Hernando kung saan sinabi ng First Division ng korte na hindi mga empleyado ng PAGCOR ang isang grupo ng mga manggagawa na nagtrabaho bilang kusinero, waiter, dishwasher, at iba pa para sa hotel and restaurant business ng PAGCOR.
Ipinaliwanag ng hukuman na walang employer-employee relationship sa pagitan ng gobyerno at mga job order workers na ang mga serbisyo ay hindi itinuturing na serbisyo ng gobyerno.
Batay ito sa klase ng kanilang mga tungkulin, organizational ranking, antas ng kompensasyon, at employment contract.
Dahil dito, hindi sila sakop ng batas, alituntunin, at regulasyon ng Civil Service.
Idinagdag pa ng korte na ayon din sa CSC-COA-Department of Budget and Management Joint Circular No. 1, malinaw na nakasaad na ang mga contract of service o job order worker ay hindi sakop ng mga batas at alituntunin ng Civil Service.