-- Advertisements --
image 75

Nakapagtala ng pagbaba sa bilang ng mga Pilipinong walang trabaho ang Philippine Statistics Authority (PSA) nitong buwan ng Setyembre, ngunit kasabay nito ay nagkaroon din ng pagbaba ang bilang ng mga indibidwal na mayroong trabaho sa bansa batay sa preliminary result ng kanilang isinagawang Labor Force Survey.

Sa ulat ni PSA chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, nitong buwan ng Setyembre ay nasa 2.50 million unemployed persons o 5% unemployment rate ang naitala ng kagawaran, mas mababa ito kumpara sa 2.68 million na bilang ng mga indibidwal na walang trabaho o 5.3% na unemployment rate na kanilang naitala noong buwan ng Agosto, at mas mababa pa rin ito sa 4.28 million jobless Filipinos na naitala noong September 2021.

Ngunit sa kabila ng pagbabang ito sa bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa bansa, ay iniulat din ni Mapa na nakapagtala rin sila ng pagbaba sa bilang ng mga indibidwal na mayroong trabaho.

Sa datos, nitong Setyembre ay nakapagtala ng 47.58 million employed Filipinos ang kagawaran, mas mababa sa 47.87 million na naitala noong buwan ng Agosto.

Paliwanag ni Mapa, nakaapekto sa naturang datos ang pagkonti ng labor force participation sa bansa.

Aniya, nitong Setyembre kasi ay bumaba sa halos 500,000 ang labor force participation rate dahil ilan sa ating mga kababayan ang bumalik na rin sa pag-aaral.

Ngunit nilinaw niya na hindi naman daw ito ganoon ka-significant dahil sa ngayon ay nasa 50.08 million pa rin naman ang naitalang bilang ng labor force sa bansa nitong buwan ng Setyembre.

Samantala, sinabi naman ng PSA na kabilang ang manufacturing, wholesale and retail trade, agriculture and forestry, lodging and food services, at transportation and storage ang nakitaan ng biggest gains pagdating sa employment.