Panalo bilang bagong pangulo ng Estados Unidos ang Democratic presidential candidate na si Joe Biden, ayon sa report ng ilang malalaking networks sa Amerika, apat na araw matapos ang kanilang presidential election.
Batay sa projection ng networks na CNN, NBC News at CBS News, pati ng Associated Press (AP), matagumpay na nakuha ni Biden ang boto ng ilang “key battleground” states na napanalunan noong 2016 ni President Donald Trump.
Sa vote count ng CNN, nakasaad na nakakuha ng 273 electoral votes si Biden, habang 214 naman si Trump. Kung pagbabasehan naman ang results count ng AP as of 11pm (Philippine time), nakalikom ng 284 electoral votes si Biden, samantalang 214 si Trump.
Kailangang makalikom ng 270 electoral votes ang isang tumatakbong presidente para maging lider ng Estados Unidos.
Kasabay ng tagumpay ni Biden, inaasahan na rin ang pagkapanalo bilang pangalawang pangulo ni Kamala Harris, na siyang magiging kauna-unahang babae at black vice president.
Bago naging pangulo, walong taon nanilbihan bilang vice president si Biden sa ilalim ng administrasyon ni dating President Barack Obama.
Agad nagpasalamat si Biden sa mga boto sa kanya sa pamamagitan ng kanyang Twitter account.
“America, I’m honored that you have chosen me to lead our great country. The work ahead of us will be hard, but I promise you this: I will be a President for all Americans — whether you voted for me or not. I will keep the faith that you have placed in me,” ani Biden.
Nagpasalamat din ang bagong bise presidente at agad nagpahayag ng kahandaan sa bagong simula ng Amerika.
“This election is about so much more than @JoeBiden or me. It’s about the soul of America and our willingness to fight for it. We have a lot of work ahead of us. Let’s get started,” ani Harris.(AP)