Itinalagang bagong chief ng Bureau of Immigration si dating Immigration Deputy Commissioner Joel Viado.
Pinalitan ni Viado ang natanggal na si dating Immigration chief Norman Tansingco noong nakalipas na Setyembre kasunod ng kontrobersiya sa pagpuslit ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa Pilipinas sa kabila pa ng Immigration lookout bulletin laban sa kaniya.
Sa isang statement, nangako ang bagong BI chief ng mga reporma sa ahensiya.
Kabilang na dito ang pagsugpo ng korupsiyon sa Immigration bureau. Aniya, ipagpapatuloy niya ang pakikipagtulungan sa Department of Justice para sa pagpapahusay ng ahensiya.
Magsasagawa din ang kaniyang opisina ng pag-aaral sa kasalukuyang mga polisiya at procedures ng BI para matukoy ang mga hindi na episyente at matanggal ang redundancies sa ahensiya.
Bilang isa ding abogado, suportado din niya ang pagpasa ng bagong immigration law para palitan na ang 84 na taong Philippine Immigration law na aniya’y hindi na akma sa makabagong panahon at hadlang sa mga ginagawang modernisasyon sa bureau.
Kapag nagkaroon aniya ng bagong batas, mas mapapabilis na ang mga proseso sa Immigration at mapapalakas pa ang seguridad sa mga border ng ating bansa.