Naghain na ng physical injury complaint ang basketball players ng St. Benilde College na sina Jimboy Pasturan at Twaine Davis laban sa kontrobersiyal na player ng Jose Rizal University (JRU) na si John Amores sa San Juan City Prosecutor’s nitong araw ng Biyernes kasama ang kanilang coach na si Charles Tiu at abogado nito.
Kasunod ito ng ginawang panununtok ni Amores sa dalawang complainant noong Martes sa laro sa pagitan ng St. Benilde at Jose Rizal University sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP).
Una rito, batay na rin sa pagbubunyag ng University of the Philippines, ito umano ang pangalawang kaso ni Amores matapos nilang ireklamo rin ang player sa Quezon City Prosecutor’s Office dahil sa panununtok nito kay Mark Gil Belmonte sa isang preseason tournament.
Ayon sa abogado nina Pastaran at Davis, nanindigan ito na hindi lang ito isang simpleng panununtok kundi ito ay maituturing na krimen.
Samantala, para naman kay coach Tiu ng St. Benilde nais lang nila na protektahan ang kanilang player dahil sila ay isang pamilya.
Naniniwala rin ito na dapat lang na maging accountable si Amores sa kanyang ginawa.
Aniya, kahit ang pangyayaring ito ay nakakadismaya ngunit hiniling niya pa rin sa kanilang team na magpatawad pero gagawin pa rin nito ang kaukulang aksyon. (with reports from Bombo Victor Llantino)