Naglunsad ng ligal na aksyon ang Hollywood star na si Johnny Depp laban sa dati nitong asawang si Amber Heard.
Nitong Disyembre nang magsulat ng artikulo para sa Washington Post si Heard kung saan isinalaysay nito ang backlash na kanyang hinarap dahil sa paglalahad tungkol sa domestic violence.
Bagama’t hindi nito direktang tinukoy si Depp, sinabi nito na hinarap daw nito ang tinawag nitong “our culture’s wrath.”
Sa kanyang lawsuit, iginiit ni Depp na hindi raw nito inabuso ang dati nitong kabiyak.
“Mr Depp never abused Ms Heard. Her allegations against him were false when they were made in 2016. They were part of an elaborate hoax to generate positive publicity for Ms Heard and advance her career,†saad sa lawsuit.
Nakasaad din sa lawsuit na ang mga paratang ni Heard ay naging sanhi upang mawala sa 55-year-old actor ang papel nito bilang Jack Sparrow sa Pirates of the Caribbean.
Dahil sa umano’y naidulot nitong pagkasira sa kanyang career, idinemanda ni Depp ng defamation si Heard at pinagbabayad ng $50-milyon bilang bayad-pinsala.
Samantala, sinabi naman ng abugado ni Heard na si Eric George na ang naturang hakbang ni Depp ay isang pagtatangka upang patahimikin ang dati nitong asawa.
Ngunit ayon kay George, hindi raw magpapasindak ang kanyang kliyente kay Depp. (BBC)