Nakita na mataas umano ang “efficacy” ng booster ng Johnson & Johnson COVID-19 vaccine para mapigilan ang pagkaospital mula sa Omicron variant batay sa preliminary study na isinagawa sa South Africa.
Ikinumpara ng South African Medical Research Council ang nasa 69,000 health care workers na nakatanggap na ng dalawang dose ng bakuna base sa viral vector technology sa grupo ng mga indibidwal na hindi pa nabakunahan.
Isinagawa ang naturang pag-aaral mula November 15 hanggang December 20 kung kailan tumaas ng 82% hanggang 98% ang mga kaso ng heavily mutated Omicron variant sa South Africa.
Lumalabas sa naturang pag-aaral na kapag ang booster shot ay itinurok anim hanggang siyam na buwan matapos ang unang dose, tumataas ang vaccine efficacy laban sa hospitalization mula 63% sa loob ng 13 araw hanggang 85% sa loob ng isa hanggang dalawang buwan.
Ang pagpapaturok ng Johnson and Johnson booster vaccine ay nakakatulong sa pagpapalakas ng tinatawag na “killer T cells.”
Bagamat hindi nito napipigilan ang infection, kayang mahanap ng killer T cells na ito ang mga cells na infected ng virus at sinisira na nakakatulong para hindi humantong sa severe illness.