-- Advertisements --

Inilabas na ng Department of Justice (DoJ) at Department of Interior and Local Government (DILG) ang Joint Department Order
para sa pagbuo ng Joint Committee na magsasagawa ng review sa Implementing Rules and Regulation o IRR ng R.A. 10592 o good conduct time allowance (GCTA) na nagpapa-iksi ang sintensiya ng mga person deprived of liberty (PDL).

Sa dalawang pahinang Joint Department Order number 001 na pirmado nina Justice Sec. Menardo Guevarra at DILG Sec. Eduardo Ano, ipinag-utos ang pagbuo ng Joint DOJ-DILG Committee na magre-review sa Internal Rules and Regulation (IRR), gayundin ang polisiya at guidelines sa computation ng credits at mga allowance ng mga inmates sa ilalim ng GCTA law.

Pormal na ring ipinag-utos ang pansamantalang suspensiyon sa loob ng 10 araw o 10 working days ng pag-proseso sa computation ng mga credits at allowance ng mga PDL.

Magsisilbing chairman ng Joint Committee ang isang undersecretary ng DoJ at magiging co-chair nito ang undersecretary ng DILG.

Miyembro naman nito ang Bureau of Corrections (BuCor) Director General at iba pang mga opisyal ng DoJ, DILG, Board of Pardons and Parole at Parole and Probation Administration.

Pinagsusumite ang Joint Committee ng kanilang report at draft ng nirebisang IRR sa DoJ Secretary at DILG Secretary sa loob ng 10 araw.