Umapela ang grupong Joint Foreign Chambers of the Philippines kay Finance Secretary Ralph Recto na ipagpaliban muna ang pagpapatupad ng inter-agency pre-border inspection policy.
Sa isang liham na ipinadala ng grupo kay Sec. Recto, hinimok ng mga ito ang kalihim na ikunsidera muli ang pagpapatupad sa Administrative Order (JAO) No. 001-2025.
Nakapaloob sa naturang AO ang implementing guidelines para sa pre-border technical verification (PTV) at cross-border electronic invoicing (CEI) sa lahat ng mga imported commodities
Giit ng grupo, kinikilala nila ang commitment ng pamahalaan na mapagbuti ang pagbabantay sa national security, maprotektahan ang karapatan ng mga consumer, at matiyak na ligtas at may kalidad ang mga imported commodities.
Gayunpaman, iginiit din ng mga ito ang pangangailangang magkaroon muna ng karagdagang konsultasyon sa mga industry stakeholder bago ang implementasyon ng AO.
Inirekomenda rin ng grupo na gawin munang optional para sa mga foreign shipper at mga importer ang mga requirement na nakapaloob sa naturang AO.
Binigyang diin ng grupo na ang bagong trade policy ng Pilipinas ay nangangailangan ng dagdag na pag-aaral, kolaborasyon, at bukas na diyalogo, upang mapakinggan ang iba pang maaapektuhang sektor.
Ang Joint Foreign Chambers of the Philippines ay binubuo ng iba’t-ibang mga Filipino at foreign business organization. Kasama ng grupo sa pagpapa-abot sa kanilang hinaing ang US-ASEAN Business Council, Federation of Indian Chambers of Commerce, EU-ASEAN Business Council, atbpa.