Isinusulong ngayon ng Department of Migrant Workers ang programang joint monitoring system ng Pilipinas para sa mga Pilipinong nagtatrabaho abroad.
Katuwang sa planong ito ang Kingdom of Saudi Arabia na layuning mas paigtingin at palakasin ang pinaiiral na pagtutok sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) doon.
Sa isang pahayag ibinahagi mismo ni Undersecretary Patricia Yvonne Caunan ng Department of Migrant Workers, na nakapokus ang kagawaran sa paglikha ng isang monitoring framework na magpoprotekta at titingin sa mga Pilipinong manggagawa.
‘Palakasin yung monitoring ng ating mga workers at napag-usapan na dapat ang pokus natin ngayon ay magkaroon ng joint efforts o na pro-active monitoring framework,’ ani Undersecretary Patricia Yvonne Caunan ng Department of Migrant Workers.
Bagama’t ibinida na ng bansang Saudi Arabia ang bago nitong digitized monitoring system, binigyang diin pa rin ni Undersecretary Patricia Yvonne Caunan ang kahalagahan ng mas pinaigting ba koordinasyon sa pagitan ng dalawang bansa.
‘Binida ng Saudi Arabia ang kanilang digital or application-based na monitoring, ang gusto namin sana ay magkaroon ng better coordination,’ dagdag pa ni DMW Undersecretary for Policy International Cooperation Patricia Yvonne Caunan
Inaasahan naman sa mga susunod na linggo ay magaganap ang mga pagpupulong kasama ang katuwang na bansa upang ilatag at isapinal ang plano sa programa na joint monitoring framework ng naturang kagawaran.