Iginiit ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa gobyerno ng China na walang tinatarget na anumang bansa ang kamakailang joint patrols ng Pilipinas at Australia sa West PH Sea.
Ayon pa kay DFA spokesperson Ma. Teresita Daza, strategic partners ang PH at Australia at mayroong umiiral na visiting forces agreement. Hindi na rin aniya bago ang pinagsanib pwersang maritime activity dahil isa na itong regular joint exercise sa pagitan ng PH at Australian military forces na layuning mapahusay pa ang interoperability ng dalawang bansa sa ilalaim ng defense cooperation.
Ginawa ng opisyal ang pahayag bilang tugon sa naging pahayag ng Chinese Ministry of National Defense.
Matatandaan na nagsagawa ng joint maritime activity ang Armed Forces of the Philippines at Australian Defense Forces sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas mula Nobiyembre 25 hanggang 27.
Kung saan iniulat ng AFP na inikutan ng 2 Chinese fighter jets ang PH Air Force aircraft habang nagpapatrolya sa West PH Sea sa kasagsagan ng joint activity.
Noong Huwebes naman hindi naman itinanggi o kinumpirma ng Chinese Ministry of National Defense ang naturang ulat subalit sinabing ito ay isang malisyosong paratang lamang at nagbabalang mananatiling vigilant ang Chinese military at poprotektahan ang claim nito sa pinagtatalunang karagatan.
Sinabi din ng tagapagsalita ng Chinese Ministry of National Defense na si Wu Qian na hindi dapat targetin ng defense at security cooperation sa pagitan ng mga bansa ang anumang third party at sirain ang kapayapaan at istabilidad sa rehiyon at kanila aniyang tinututulan ang anumang aksiyon na nagdudulot ng komprontasyon at nagpapalala ng tensiyon sa disputed waters.