-- Advertisements --

Joint military patrols sa WPS, imingungkahi kasunod ng ‘collision’ ng Chinese, Filipino vessels

Mariing kinondena ng ilang kongresista ang pagbangga ng isang Chinese vessel sa bangka ng mga mangingisdang Pilipino sa Recto Reef sa West Philippine Sea.

Iginiit nina Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate at Kabataan party-list Rep. Sarah Elago na kailangan managot ang China sa pagbangga ng Chinese Vessel sa FB Gimber 1 noong gabi ng Hunyo 9, 2019.

Sinabi ni Zarate na kailangan ng mas madalas na pagpatrolya ng Philippine Coast Guard sa West Philippine Sea upang sa maipagtanggol ang mga Pilipinong mangingisda kapag may mga insidenteng katulad ng nangyari kamakailan.

Maari rin aniyang magkaroon ng joint patrols ang Vietnam at Malaysia gayundin ang iba pang claimants sa South China Sea para maiwasan ang agresibong hakbang ng China.

Kinuwestiyon naman ni Elago ang sinasabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na pakikipagkaibigan ng Pilipinas at China.

Ayon kay Elago, ilang beses nang nalagay sa panganib at bullying ng mga Chinese ang mga Pilipinong mangingisda sa kabila ng pagiging mabait ng Pilipinas sa China.