CENTRAL MINDANAO – Hiniling ng LGU-Midsayap sa Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) na magtayo ng Joint Peace and Security Team (JPST) Station sa bayan sa pamamagitan ng Resolution No. 2021-091 na ipinasa ng Sanggunian sa 95th Regular Session nito.
Ang JPST ay binubuo ng 30 katao mula sa Armed forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at ng Bangsamoro Islamic Liberation Front ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa bayan.
Ayon kay Mommad Mayasa, secretariat ng Joint Peace and Security Committee (JFPC), nakatakdang makipagpulong ang mga kinatawan ng JFPC kay Mayor Romeo Arańa at iba pang opisyal ng LGU-Midsayap upang talakayin ang iba pang kakailanganin para sa pagtatayo ng JPST Station dito.
Kung matatandaan, ang JPST ay bahagi ng implementasyon ng Annex of Normalization sa ilalim ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro na nilagdaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng MILF.
Inaasahan na sa pamamagitan ng hakbang na ito ay magpapatuloy ang mga nasimulang programa upang mapanatili ang kapayapaan at kaunlaran sa bahaging ito ng Mindanao.