-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Pinaigting pa ng mga otoridad ang seguridad sa probinsya ng Cotabato.

Bago lang ay binuo ang Joint Task Force Pikit sa bayan ng Pikit sa Cotabato.

Ang Joint Task Force Pikit ay pinamumunuan ni Lt Col Eliser Pido, Force commander ng 2nd Cotabato Provincial Mobile Force Company katuwang ang Pikit Municipal Police Station sa pamumuno ni Major Maxim Peralta.

Dumalo rin sa pormal na pagtalaga ng Joint Task Force Pikit sina 90th Infantry (Bigkis-Lahi) Battalion Philippine Army commanding officer Lt Col Rommel Mundala, Cotabato police provincial director ColHenry Villar, Major Harold Colonel ng 1203rd RMFB12, Cotabato deputy provincial director Lt Col Bernard Tayong at iba pa.

Ang pagbuo ng Joint Task Force Pikit ay matagal nang kahilingan ng mga residente at LGU-Pikit para maibsan ang sunod-sunod na pamamaril, engkwentro ng mga armadong grupo, illegal drugs at banta ng terorismo.

Hinikayat ni Pikit Mayor Sumulong Sultan ang taumbayan at iba’t ibang sektor na makiisa at suportahan ang Joint Task Force Pikit.